Wednesday, January 9, 2008

Ika-nga ni Bob Ong...dakila ka...ur da man!!!

Sa mga kabataang nanghihingi ng words of wisdom at laging nag-aakalang meron ako sa bulsa, meron nga. Ito, hindi ko ginagamit, inyo na lang:

Kumain ka na ng siopao na may palamanag pusa o maglakad sa bubog na nakayapak, pero wag na wag kang susubok mag-drugs. Kung hindi mo kayang umiwas, humingi ka ng tulong sa mga magulang mo dahil alam nilang kung saan ang mga murang supplier at hindi ka nila iisahan.

Mag-aral maigi. Kung titigil ka sa pag-aaral, magnhihinayang ka pagtanda mo dahil hindi mo naranasan ang kakaibang ligayang dulot ng mga araw na walang pasok o suspendido ang klase o absent ang teacher. (Haaay, sarap!)

Wag mawawalan ng gana sa buhay. Kung ano yung galling mo, kulit mo, lakas ng sigaw at tuwa mo sa mga laban ng UAAP, NCAA, mga sprots fest, o concert ng paborito mong banda, wag mong iwawala hanggang sa pagtanda. Wag kang tutulad sa ilang kongresista na nagre-report sa trabaho para lamang matulog.

Wag magmadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling mag-breakdance. Totoong mas importante ang kalooban ng tao higit anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka.

Tuparin ang mga pangarap. Obligasyon mo yan s asarili mo. Kung gusto mo mang kumain ng balde-baldeng lupa para malagay ka sa Guinness Book of World Records at maipagmalaki ng bansa natin, sige lang. Nosi balasi. Wag mong pansinin ang sasabihin ng mga taong susubok humarang sa’yo. Kung hindi nagsumikap ang mga scientist noon, hindi pa rin tayo dapat nakatira sa Jupiter ngayon. Pero hindi pa rin naman talaga tayo nakatira sa ngayon sa jupiter dahil nga hindi nagsumikap ang mga scientist noon. Kita mo yung moral lesson?

Kung gusto mong maging musikero, sige lang. Pintor, ayos! Inhinyero, the best! Kung gusto mong maging teacher, pilitin mong maging teacher na hindi makakalimutan ng mga estudayante mo. Kung gusto mong maging sapatero, maging pinakamahusay kang sapatero. Kung gusto mong maging karpintero, maging pinkamagaling kang karpintero. Kung gusto mong maging tindero ng balut, wag kang dadaan sa harap ng bahay naming para mambulahaw sa gabi kung ayaw mong masaktan!

Mangarap ka at abutin mo ‘to. Wag mong sisihin ang sir among pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta, o mga lumilipad na ipis. Kung may pagkukulang sa’yo mga magulang mo, pwede kang manisi at maging rebelde. Tumigil ka sa pag-aaral, mag-asawa ka, mag-drugs ka, magpakulay ka ng buhok sa kili-kili. Sa banding huli, ikaw din ang biktima. Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili.

Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n’ya ng pera, o gusto n’yang sumikat, o gusto n’ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga ‘to, tingin ko. Nangarap ang tao dahil binigyan s’ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n’yang pagbutihin ang pagkatao n’ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s’yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon at hindi bumili ng libro ko.

Sa panghuli, higit sa lahat, magbasa ka ng libro. Kung nabasa mo lahat ang mga libro ko, salamat. Pero kung makakabasa ka pa ng ibang libro bukod sa mga isinulat ko o mga ipinabili ng teacher mo, mas magaling. Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa. Ayos lang lumaki nang lumaki, magpatangkad, at tumanda nang walang natututunan—kung puno ka! Pero bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailan ng sustansya. Maraming pagkakataong kakailangin mong sundutin yon. At sa bawat sundot, tulad ng sundot-kulangot, mas maigi kung may kapaki-pakinabang kang makukuha.

Sana mabasa ng mga kailangang makabasa.

**The following is taken from Stainless Longganisa by Bob Ong. If you have time I suggest that you read the whole book.

No comments: